Hindi napigilan ng groom at kaniyang pamilya na maluha nang malaman ang laman ng maliit na kahon na ipinaabot sa kaniya ng kaniyang bride bago ang kanilang kasal--isang keychain. Alamin kung bakit ito mahalaga sa kanila.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing katatapos lang ng picture taking ng pamilya ng groom na si Joebert nang ipaabot ng bride na si Jeanette sa isang abay ang sorpresa niya sa kaniyang magiging mister.

Ang sorpresa, nakalagay sa maliit na kahon na may nakasaad na sulat o mensahe. Tinanggap ito ng nagtatakang groom habang katabi ang kaniyang ama at ilang kaanak.

"Itinago ko talaga 'yun nang maigi. Tapos night before the wedding, tumitingin pa si Joebert sa mga gamit na kailangan namin. Kaya ako naman, todo-tago talaga," sabi ni Jeanette.

Hindi raw inakala ni Jeanette na magpapaiyak pala kina Joebert at sa pamilya niya ang kaniyang sorpresa--na isang keychain.

"Keychain siya na may picture ng Mama ko. Then may nakalagay na heart na 'You are always in my heart,'" kuwento ni Joebert tungkol sa laman ng kahon.

May kasama ring sulat ang regalo ni Jeanette.

Taong 2022 nang yumao ang Mama Lina ni Joebert dahil sa komplikasyon sa sakit.

Masayahin at maasikaso si Mama Lina kaya agad ding napamahal sa kaniya si Jeanette.

"Napaka-sweet niya kasi talaga sa akin kaya naging special din siya sa akin," ani Jeanette.

Batid ni Jeanette na mangungulila ang kaniyang groom sa ina nito sa araw ng kanilang kasal. Kaya naman iniabot niya ang kaniyang sorpresa kay Joebert na may kasamang pangako na bilang asawa ay sisikapin niyang pagaanin ang bawat lungkot nito at punuin ng masayang alaala ang kanilang buhay mag-asawa.

"Gusto ko lang po talagang bigyan siya ng moment na dedicated sa nanay niya. Alam ko po kasi kung gaano niya kamahal ang mama niya," sabi ni Jeanette.

Ayon kay Joebert, naging malaking bahagi ng kasal nila ang naturang sorepresa ng kaniyang kabiyak, na kahit wala na ang kaniyang ina ay "parang naramdaman ko rin na kompleto na kami nu'n." -- FRJ, GMA Integrated