Nangako ang Department of Migrant Workers (DMW) na ayusin nila ang pasilidad at staffing ng Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital sa Pampanga matapos makita ni Senador Raffy Tulfo na halos hindi ito nagagamit isang taon makaraang mabuksan.
Sa isinagawang pagsusuri ni Tulfo sa ospital, nakita nito na dalawa lang ang pasyente sa ospital, na empleyado pa sa ospital ang isa.
“This is the first time makapunta ako sa isang ospital na walang katao-tao… Nasaan ang mga pasyente?” tanong ng senador.
"It is not being used to its full potential. Sayang. Sayang ‘to. I feel sorry for this hospital," patuloy niya.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "State of the Nation" nitong Miyerkules, sinabing mayroong 200 staff members ang ospital, na binubuo ng 46 duktor, 72 nurse, at iba pang staff.
Pinansin din ni Tulfo ang pagiging sarado ng outpatient department tuwing weekend, at hanggang 10 walk-in patient lang ang tinatanggap kada araw.
Sinilip din ng tauhan ni Tulfo ang online appointment ng ospital at natuklasan na ilang buwan pa ang kailangan hintayin ng pasyente para makakuha ng appointment.
Kulang din umano ang mga gamot sa ospital.
Ayon kay DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac, nakikipag-ugnayan na sila sa tanggapan ni Tulfo tungkol sa nakitang problema sa pagamutan.
Makikipag-ugnayan din ang DMW sa Department of Budget and Management (DBM) para tugunan ang problema sa mga tauhan sa ospital.
“Nakikiisa tayo kay Sen. Raffy na lalo pang ipa-improve ‘yung facilities. Maayos, malinis ‘yung facilities pero ayun nga, kailangan pa nating bigyan ng pansin ‘yung pagdadagdag ng tao doon sa ospital, kasi ang number of nurses and doctors are kulang pa rin,” paliwanag ni Cacdac sa Super Radyo.
Isa sa hakbang na gagawin ay buksan ang outpatient services sa ospital tuwing Sabado.
Sa kabila ng napansin ni Tulfo, sinabi ni Cacdac na 13,625 pasyente ang natugunan ng ospital sa taong ito.
Binuksan ang OFW Hospital noong May 2022 na ang panginahing dapat pagsilbihan ay ang mga OFW at kanilang pamilya. —FRJ, GMA Integrated News