NEW YORK CITY - Pinarangalan ng tanggapan ni Filipino-American New York State Assemblyman Steven Raga ang isang Filipino activist dahil sa kaniyang dedikasyon na itaguyod ang karapatan ng LGBTQIA+ community.
Sa isang simpleng seremonya, personal na inabot ni Raga ang sertipikasyon ng pagkilala kay Elton Lugay, isang immigrant sa Amerika na tubong Cebu.
Kilala si Lugay bilang isang influential figure sa Filipino-American community dahil sa ibat-ibang event na nagpapakilala sa talento hindi lamang ng LGBTQIA+ community kundi pati ng mga Filipino at Filipino-American.
Ilan lang sa mga inorganisa ni Lugay ay ang kauna-unahang transgender pageant para sa empowerment at visibility para sa LGBTQIA+ community.
Si Lugay din ang founder ng The Outstanding Filipino-American na kumikilala sa malaking ambag ng mga Filipino at Filipino-American sa pagpapaunlad at nakikilala sa kani-kanilang larangan.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Lugay na bagama't kinikilala na ng lipunan ang LGBTQIA+ community, nanatili pa rin daw ang diskriminasyon.
"We must not rest on our laurels. Challenges remain, and there is still much work to be done," sabi ni Lugay.
"As we celebrate our victories, let us also remember the battles we continue to fight. Our community spans across the globe, and in many places, LGBTQ+ individuals still face discrimination, prejudice and violence," dagdag pa niya.
"It is our duty, both as members of this vibrant community and as compassionate human beings, to stand up against injustice and work tirelessly to create a world where everyone is treated with dignity and respect."
Noong nakaraang linggo, kinilala rin si Lugay ng Knights of Rizal New Jersey kung saan tumanggap siya ng citation mula sa Supreme Commander ng naturang grupo. —KBK, GMA Integrated News