Patay matapos pagbabarilin ang isang guro na kapapasa lang sa Licensure Examination for Teachers (LET) sa Pikit, Cotabato.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, inihayag ng Cotabato Police Provincial Office, na part-time teacher sa isang private school ang biktima.

Nagsisilbi rin siya bilang treasurer sa Barangay Macabual sa ilalim ng Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM).

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at iba't ibang parte ng katawan ang biktima.

Ayon sa pulisya, nakasakay na sa motorsiklo ang biktima at kalalabas lang ng paaralan nang pagbabarilin siya ng mga salarin na sakay din ng motorsiklo.

“Nangyari ito along barangay road. Nakasakay na po itong ating biktima sa isang motorcycle, pauwi na sana siya sa Brgy. Macabual. Siya ay inabangan at pinagbabaril," ayon kay Cotabato Provincial Police Office Spokesperson, Leiutenant Warren Caang.

Lumilitaw sa imbestigasyon na inabangan ng mga nakatakas na salarin ang biktima na makalabas ng paaralan.

Anim na basyo ng bala mula sa kalibre .9mm na baril ang nakita ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang pagkakakilanlan sa mga salarin at motibo sa krimen.-- FRJ, GMA Integrated News