Nasa dalawang milyon nurse umano ang kakulangan ng Amerika kaya nasa Pilipinas ngayon ang mga kinatawan ng ilan nilang ospital para direktang mag-hire ng mga nurse at healthcare workers.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing isinagawa ang recruitment event sa isang hotel sa Mandaluyong na pinuntuhan ng daang-daang aplikante.
Kabilang sa mga nagbakasali si Anna Marie Noblesala, na 15 taon na raw nurse sa Pilipinas pero wala umanong naging pag-angat sa kaniyang trabaho tulad sa sahod.
Para sa kaniya, hindi na sapat ang P30,000 na buwang sahod lalo na kung mayroon sinusuportahan.
Sabi ni Noblesala, maganda umano ang alok sa Amerika.
Ang isa pang aplikanteng nurse na si Sherinata Hassan, binigyan daw kaagad ng alok para magtrabaho sa US.
Kung kukuwentahin umano ang $35 per hour na rate sa Florida, paniwala niya, kaya niyang kumita ng hanggang P500,000 kada buwan.
Ayon kay Ray Raval, CEO, Professioanls to USA, Inc., may gusto ng maraming bansa gaya ng Amerika ang kumuha ng mga manggagawang Pinoy dahil sa kakayanang makapagsalita at komunikasyon sa wikang Ingles.
Sinusubukan pa na makuhanan ng pahayag ang Department of Migrant Workers at ang Department of Health.
Pero nauna nang sinabi ng DOH na pinag-aaralan nila na makapagbigay ng dagdag na benepisyo sa mga healthcare worker sa bansa para manatili sila sa Pilipinas.--FRJ, GMA News