Pinag-iingat ng Philippine Embassy sa France ang mga Pinoy na pupunta o nasa Paris laban sa mga magnanakaw at mandurukot, at maging alisto sa posibleng banta ng terorismo.

Sa inilabas na abiso ng embahada, nakasaad na "the string of terror incidents in the past three years (the latest was on 12 May 2018) requires the extra vigilance of Filipinos traveling to Paris."

Sinabihan din ang mga Pinoy sa Paris na maging "wary of pickpockets. They are rampant at metro stations, trains, and even in shopping areas."

Paalala pa ng embahada, maging alerto at maingat ang mga Pilipino sa tuwing namamasyal.  Dapat umanong sumunod sa patakaran ng pulisya at militar sa anumang insidente, at alamin ang mga balita para maiwasan ang mga lugar na idineklarang hindi ligtas o may banta ng terorismo.

Nagbigay din ng payo ang embahada na maging mapagmatyag laban sa mga "hotel rats" o scam artists na nagpapanggap na hotel guests o turista na "who can swipe baggage in hotel lobbies, or book rooms with fake names and break in rooms to steal valuables."

Pinayuhan din ang mga Pinoy na itago sa magkakaibang lalagyan ng bag ang kanilang mga passport at ID upang hindi maiwala ang mga ito nang sabay. Mabuti ring magtabi ng pera dahil puro card ang madalas tinatanggap ng mga tindahan sa Paris.

Ang mga mangangailangan ng tulong, maaaring tumawag o magpadala ng mensahe sa +33 1 44 14 57 00, social media sites ng Paris o paris.pe@dfa.gov.ph, o bisitahin ang embahada sa 45 rue de Ranelagh, 4 hameau de Boulainvilliers. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News