Nasa bansa ngayon ang isang Filipina na hinahangaan ngayon sa daigdig ng animation dahil sa kaniyang pang- world class na galing.
Sa Star Bites report ni Aubrey Carampel sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing kinabibiliban ngayon pagdating sa film animation si Gini Santos, ang supervising animator ng Disney-Pixas Film na "Coco."
Sinabi sa ulat na si Santos ang kauna-unahang Pinay ng Pixar Animation Studios, na nagsimulang magtrabaho sa naturang kumpanya noong 1996.
Ang una niyang naging proyekto bilang character animator ay ang "Toy Story 2," nakasama rin siya sa mga animated films na "A Bug's Life," "Monster's Inc," "Finding Nemo," The Incredibles," "Ratatouille," at ang "Up."
Sa Pilipinas ipinanganak si Santos pero nag-migrate sa Guam ang kaniyang pamilya nang tatlong-taong-gulang pa lang siya.
Kuwento ni Santos, hindi nais ng kaniyang mga maging sobrang "westernised" siya kaya pinabalik siya sa Pilipinas para dito mag-aral ng high school at kolehiyo.
Sa kaniyang pagbabalik sa bansa para dumalo sa special screening ng pelikulang "Coco," tumanggap siya ng pagkilala sa Pasay City kung saan siya dating nakatira.
Ginawaran siya ng Plaque of Recognition ng Original Pilipino Performing Arts, bilang pagkilala sa kaniyang mga natatanging talento bilang isang world class Filipino talent.
At kahit Mexican setup ng tema ng "Coco," sinabi ni Santos na tiyak na makaka-relate ang mga Pilipino sa istorya nito dahil malaki ang pagkakahawig ang kultura Pilipinas at Mexico.
Makikita rin daw sa pelikula ang pagpapahalaga sa pamilya na tatak na ng mga Pinoy. -- FRJ, GMA News