Timbog sa ikinasang follow-up operation ng mga awtoridad ang isang lalaking nang-agaw sa bag sa Brgy. Paang Bundok sa Quezon City.
Ang 40-anyos na babaeng biktima na isang center agent, nakuhanan sa CCTV camera na naglalakad papasok sa kanyang trabaho.
Biglang dumating ang AUV kung saan nakasakay ang salarin.
Sapilitan niyang kinukuha ang gamit ng babae habang nakipagbuno pa ang biktima kaya siya natumba.
Pero tuluyang nakuha ng lalaki ang pakay niya saka mabilis na sumakay sa AUV paalis sa lugar.
Sinubukan pang habulin ng biktima ang sasakyan.
Ayon sa pulisya, kumalap sila ng iba pang cctv footages.
Doon nasundan kung saang mga kalsada dumaan ang AUV na ginamit sa krimen.
Nakita rin ang plaka nito.
Naaresto ang isa sa mga suspek — isang 38-anyos na lalaki.
Tinutugis pa ang kanyang kasabwat.
Narekober ang ginamit nilang sasakyan pero hindi na nabawi ang mga ninakaw sa biktima kabilang na ang cellphone at pera.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.
Nasampahan na ang mga suspek ng reklamong robbery.
--VAL, GMA Integrated News