Ikinuwento ni Boy Abunda ang naging reaksyon ni Analyn Barro nang ipaalam niya sa "Bubble Gang" babe na may crush sa kaniya ang komedyanteng si Empoy Marquez.

“Ngayong araw ay nakausap natin si Analyn Barro at sinabi nga natin ang nangyari kahapon, na crush siya ni Empoy,” kuwento ni Tito Boy sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

Nang malaman umano ni Analyn na may crush sa kaniya si Empoy, napagtanto ng aktres kung bakit "kakaiba" ang ikinikilos ng komedyante nang magkita sila sa nakaraang GMA Ball.

BASAHIN: Empoy Marquez, nagkagusto ba kay Alessandra de Rossi at nililigawan ngayon si Analyn Barro?

“Ang sabi ni Analyn, ‘Kaya pala!’ Napagtagpi-tagpi niya. Dahil during the GMA Ball, kakaibang kilos ang ipinakita sa kaniya ni Empoy,” pagpapatuloy ni Tito Boy.

Ikinuwento pa ni Analyn kay Tito Boy na natulala na lang umano si Empoy habang kausap nito ang aktres.

BASAHIN: Analyn Barro, ikinuwento ang natanggap na 'indecent proposal'

“As she was about to leave the venue, lumapit daw si Empoy sa kaniya at nagsabing ‘Hi Ana! May sasabihin sana ako sa ‘yo.’ Sabi ni Ana na ikinuwento ni Tito Boy. "'Anong gusto mong sabihin?’ Sabi raw ni Empoy, ‘(nakatunganga).’ Ibig sabihin hindi nakapagsalita.”

Dahil sa pagkakabisto ni Jayson Gaiza kay Empoy na may crush ang komedyante kay Analyn, naunawaan na umano ng aktres ang nangyari sa GMA Ball.

BASAHIN: Analyn Barro, pinormahan ng 2 'Bubble Gang' co-stars?

“Noong sinabi namin kay Ana na crush siya, napagtagpi-tagpi niya, ‘Okay, now I understand,’” pag-alala ni Tito Boy na naging usapan nila ni Analyn.

Sa segment na Fast Talk nitong Huwebes, tinanong ni Tito Boy si Empoy kung sino ang isasama niya sa food trip. Pero bago pa siya makasagot, sumingit si Jayson na kasabay niyang guest sa show at sinabing, "si 'Analyn.'"

Bagaman hindi pa malinaw kung sino si "Analyn," sinabi ni Jayson na kinurot siya ni Empoy na pahiwatig na 'wag nang sabihin kung sino ang babae.

Pero nang mag-usisa si Tito Boy kung sino si "Analyn," tumayo si Empoy at hinatak si Jayson, at pabirong sinabi na tapos na ang guesting nila.

Hindi na pinilit ni Tito Boy na alamin kung sino si "Analyn," pero naungkat muli ang pangalan nito nang tanungin si Empoy kung sino sa mga Kapuso actress ang sa tingin niya ay bagay sa kaniya na maging leading lady.

Muling sumingit si Jayson sa pagsagot at natatawang sinabi na si: "Analyn Barro." -- FRJ, GMA Integrated News