Inihayag ni Kuya Kim Atienza na hindi na siya takot sa kamatayan, matapos ang kaniyang dalawang near-death experience.
“Hindi na ako takot mamatay, Boy. I can die today,” saad ni Kuya Kim sa “Fast Talk with Boy Abunda.”
“Kasi alam ko kung saan ako pupunta. Alam kong pupunta ako sa langit. Because I have accepted Jesus Christ as Lord and Savior and repented for my sins,” dagdag ng Kapuso TV host.
Matatandaang lumaban si Kuya Kim noon sa pambihirang sakit na Guillain-Barre syndrome noong 2013, kung saan gumastos siya ng P300,000 hanggang P500,000 kada araw sa gamutan.
Bukod pa ito sa naranasan niyang stroke noon namang 2010.
“I was so weak, I was paralyzed. I thought I was going to die. That’s when I totally leaned on him and I said, ‘Lord, ikaw na ang bahala.’”
Dahil sa kaniyang mga karanasan, pinagsisihan ni Kuya Kim ang mga nagawa niyang kasalanan
“I still sin. All have sinned and fell short of His glory. I still sin. But I repented all of that,” ani Kuya Kim.
Paniwala ni Kuya Kim, makakapunta siya sa langit hindi dahil sa kaniyang mga gawa, kundi dahil sa kaniyang pananampalataya sa Panginoon.
“Sigurado ako pupunta ako sa langit. Not because of my doing, not because of my works. Because I have faith in Him, and because He died on the cross for me.”
Kung halimbawa mang malaman niyang mamamaalam na siya sa mundo, sinabi ni Kuya Kim na kakausapin niya ang lahat ng kaniyang mahal sa buhay.
“Pupunta ako sa misis ko, kakausapin ko at yayakapin ko. Sasabihin ko mahal ko siya. Kakausapin ko lahat ng anak ko na nasa Amerika, sasabihin ko kung gaano ko sila kamahal. Pupuntahan ko ang mga magulang ko. Lahat ng taong puwede kong sabihan na mahal na mahal ko sila, sasabihin ko lahat. At kung may atraso pa ako kung kanino man…”
Humingi rin daw si Kuya Kim ng tawad sa mga tao na nagkaroon siya ng atraso.
“Noong naging Kristiyano ako, ang dami kong taong kinausap, sa mga may atraso ako. Hindi nila alam kung bakit ko sila kinakausap, pero alam ko na may atraso ako sa kanila.” —LBG, GMA Integrated News