Hindi inakala ni Buboy Villar na masasagot niya ang pinapahulaang salita nang sumalang siya sa "Pinoy Henyo" ng "Eat Bulaga" ka-tandem si Kokoy De Santos.

Si Kokoy ang tagapagbigay ng clue, habang si Buboy naman ang huhula sa salitang "Pasay City" na natoka sa kanila.

Pinanghinaan agad ng loob si Buboy nang malaman niyang "lugar" ang salitang huhuluan niya.

"Ayoko ng lugar! Mahina ako diyan!," pag-amin niya.

Nabanggit na agad ni Buboy ang "Quezon City" pero napa-"hindi" ng tugon si Kokoy. Kaya naman napalayo ang komedyante sa pagkuha ng clue na nagtanong na kung tourist spot o lalawigan ang pinapahulaang salita.

Sa harap nang pagiging aligaga at tensiyonado, pilit na pinakalma ni Buboy ang sarili. Kaya bumawi siya sa malumanay at nakangiting pagtatanong ng mga clue kay Kokoy.

Pero nang hindi pa rin siya makakuha ng malapit na clue sa "Pasay City," sabi ni Buboy, "Bakit lugar ibinigay niyo sa'ken, sana pagkain!"

Nang itanong ni Buboy kung "city" ang pinapahulaang salita, malakas na "Oo" ang tugon ni Kokoy.

Walang kamalay-malay na binanggit ni Buboy ang "Pasay City," at nabigla siya nang malaman na iyon ang pinapahulaang salita.

Kaya naman napasigaw, napatalon, at napatambling sa tuwa si Buboy.

Nasabunutan pa siya ni Jose Manalo para pakalmahin.

Pero naging sandali lang ang kasiyahan ni Buboy. Panoorin ang masayang episode kung bakit. --FRJ, GMA Integrated News