Dahil sa ginawa ng isang taxi driver, inihayag ng aktres na si Ina Raymundo na naging maganda pasok ng 2023 sa kaniyang pamilya. Alamin kung papaano.
Sa Instagram Stories nitong Lunes, ibinahagi ni Ina ang isang larawan na kasama niya ang tapat na taxi driver na si "Mike," at pinasalamatan ng aktres.
"Maraming salamat, Mike, driver ng RMJJ taxi! My son left his cell phone in his car but he returned it to us," saad ni Ina sa post. "Nakakatuwa at may mga tao pa talaga na may ginintuang puso."
Patuloy ng aktres, "Pinaganda mo ang pagpasok ng 2023 namin. May God bless you always."
Napag-alaman na dumating sa bansa bago magpasko ang anak ni Ina na si Jakob, na nag-aaral sa Amerika. —FRJ, GMA Integrated News