Kabilang ang komedyante at impersonator na si Jayson Gainza sa natuwa nang magbalik-Kapuso ang King of Talks na si Boy Abunda, na kaniyang ginagaya.
Sa panayam ng "Mornings with GMA Regional TV," inihayag pa ni Jayson ang birong mensahe niya kay Tito Boy.
"Message ko kay Tito Boy, sana ako naman po yung gayahin niyo," natatawang sabi ni Jayson.
Ikinuwento ni Jayson na iniiwasan niya si Tito Boy kapag nakita niya ito at makakasalubong sa hallway noong nasa kabilang TV station pa sila.
"Kapag nakikita ko siya malayo pa lang sa hallway, umiiba na ko ng daan. Kasi minsan nahihiya ako," natatawa niyang sabi.
"Pero mabait naman si Tito Boy," patuloy ni Jayson na sinabing nag-guest na rin siya sa isang talkshow nito.
"Masaya ako ngayon kasi lumipat na siya sa Kapuso at sana maituloy ko ulit yung pag-impersonate ko sa kaniya," ayon sa aktor.
Ngayong 2023, sinabi ni Jayson na hangad din niyang makagawa ng mga teleserye.
"Gusto ko lang teleserye. Kasi ako gusto ko talaga hindi lang sa pagpapatawa, gusto ko ring umarte na sana mabigyan," anang aktor.
Looking forward daw si Jayson sa tatlong teleserye na posible niyang gawin matapos siyang pumirma ng kontrata bilang Sparkle artist ng GMA.--FRJ, GMA Integrated News