Hindi na nakaiwas si Angel Guardian na sagutin ang tanong sa "The Boobay and Tekla Show" kung may pag-asa kaya ang kupwa niya "runner" na si Kokoy De Santos kapag nanligaw sa kaniya.

Marami ang nakapansin sa closeness at pagiging bagay ng "GeKoy" sa Kapuso hit show na "Running Man Philippines," na napapanood tuwing weekend.

Sa "TBATS," tinanong si Kokoy kung liligawan ba niya si Angel.

Pero bago makasagot si Kokoy, may pabirong babala sa kaniya si Angel, "Ayusin mo sagot mo ha."

Gayunman, tanong din ang naging tugon ni Kokoy, "Ang tanong, papayag ba siya [Angel]? 'Yan ang gusto kong malaman."

Kasunod nito, si Angel na ang binato ng tanong kung may chance kaya si Kokoy kapag manligaw ang binata.

Tila nadulas naman si Angel na agad na sumagot ng, "Oo naman."

Pero natatawa rin niyang nilinaw na, "Hindi, tingnan natin. Siyempre depende 'yon di ba."

Paliwanag ni Angel, dapat daw malaman niya muna kung gaano kagaling manligaw ang tao at maiparamdam sa kaniya na tapat ito sa kaniya.

Nang tanungin si Kokoy kung papaano ba siya manligaw, sabi ng binata, "Consistent lang sa lahat ng ginagawa."

Ayon kay Angel, pasok naman sa mga katangian ng lalaki na hinahanap niya ang pagiging consistent, kasama na ang pagiging maalaga, gentleman, at mahaba ang pasensiya.--FRJ, GMA Integrated News