Ipinagpaliban muna ang finale ng Miss World 2021 sa Puerto Rico matapos ang mga napaulat na kaso ng COVID-19, ayon sa Miss World Organization.
"Miss World 2021 temporarily postpones global broadcast finale in Puerto Rico due to health and safety interest of contestants, staff, crew and general public," saad ng pamunuan ng Miss World sa isang pahayag.
"The finale will be rescheduled at Puerto Rico Coliseum Jose Miguel Agrelot within the next 90 days," dagdag nito.
Ayon pa sa kanilang pahayag, sinabi nilang rekomendasyon ito ng mga eksperto at ng Puerto Rico Health Department kasunod ng mga karagdagang nagpositibo sa COVID-19.
Hindi naman nabanggit kung kandidata o staff ng organisasyon ang nagpositibo.
Isinailalim muna ang mga kandidata at staff sa quarantine para obserbahan at i-test.
Maaari nang umuwi ang mga kandidata sa kani-kanilang home countries sa oras na ma-clear sila ng health officials.
Bago nito, nauna nang kinumprma ng Miss World Philippines Organization na negatibo sa COVID-19 ang pambato ng Pilipinas na si Tracy Maureen Perez.
Biyernes sa Pilipinas dapat ang coronation ng Miss World 2021. — Jamil Santos/VBL, GMA News