Kampante ang isang pageant expert na makakapasok ang pambato ng Pilipinas na si Rabiya Mateo sa Top 20 ng Miss Universe 2020 dahil sa confidence na ipinakita niya sa preliminary competition pa lamang ng pageant.
"I strongly feel na pasok siya sa Top 20 after her performance tonight. Dahil she gave it her all. She gave her best," sabi ng pageant expert na si Norman Tinio sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado.
Mayroon na ring mga humula kung saan posibleng aabot si Rabiya.
"She is very confident. Top 5 yan. Kung susundan natin 'yun, let's say pumasok talaga si Rabiya sa Top 5, ilagay na natin sa punto na pumasok siya ng Top 5 on her own merits. It's up to her to prove herself," anang pageant expert.
Kritikal ang preliminary competition dahil dito madedetermina kung sino sa mga contestants ang uusad sa Top 20 ng Miss Universe.
"The girl has to be someone who connects to people and must not be trying hard. So I look at the next Miss Universe as someone who can survive her reign with or without the pandemic. She has to be that symbol of hope amidst these trying times," sabi ni Norman.
Bago ang inaabangang Miss Universe coronation night sa Mayo 17, sumabak ang 74 kandidata sa intense na preliminary competition.
Maliban sa closed-door interviews, nagpasiklaban din ang mga kandidata sa swimsuit portion at evening gown segment.
Sizzling hot at confident si Rabiya na rumampa sa kaniyang yellow bikini.
Lumitaw pa ang kaniyang captivating beauty sa kaniyang Pasarela Walk sa evening gown portion kung saan suot niya ang Furne Amato yellow gown.
Tadtad ang gown ng Citrine Swarovski crystals, at may cape rin ito para dagdag royalty feels sa overall look. – Jamil Santos/RC, GMA News