Naging emosyonal si Rabiya Mateo matapos irampa ang kaniyang national costume sa preliminaries ng Miss Universe 2020 competition nitong Biyernes.

Sa isang Instagram live clip na kumalat sa social media, makikitang naluha ang Filipina beauty queen habang nagpapasalamat sa mga sumuporta sa kaniya sa event.

“It felt so great that I was onstage and then I kept everybody cheering for me, and I did my best during the competition and I am just really overwhelmed,” sabi ni Rabiya.

“That is why I want to thank everyone who showed their support and love for me.”

Bago mag-sign off, humingi ng paumanhin si Rabiya sa mga nadismaya umano sa kaniya, kasabay ng pahayag na nakaranas siyang hindi inaasahang pangyayari habang naghahanda.

 

 

Sinabi ni Rabiya na gaganapin na ang preliminary competition para sa swimsuit at long gown sa Sabado, kaya kailangan nilang maging maaga.

“I just wanna do a quick live to tell you guys that I’m so sorry if you’re disappointed with me,” sabi niya.

“I even cut my finger earlier and my stockings were covered in blood but I kept fighting,” pagpapatuloy pa ni Rabiya.

Tila binura na ni Rabiya ang IG Live post na kasama ang kaniyang username mula sa kaniyang account.

Pero sa huli, nag-post naman si Rabiya ng isang positibong post na tampok ang snapshot ng kaniyang costume.

“Tonight was a good night. I had fun. That’s what really matters,” sabi niya.

Sinabi ni Rabiya, sa isang behind the scenes clip na pakiramdam niya, para siyang isang “Victoria’s Secret angel” sa show, nang maglakad na suot ang malaking pakpak na hango sa watawat ng Pilipinas.

Nilikha ito ni Filipino fashion designer Rocky Gathercole, na nakipag-collaborate kay costume and jewelry designer na si Manny Halasan.

Ayon kay Creative director Jonas Gaffud, tumitimbang ng mahigit 20 kilos ang ensemble.

Maaaring bumoto ang fans para sa kanilang favorite costume sa //missuniverse.com/vote. Magsasara ang botohan ng 11:59 p.m. ng Mayo 15. -- FRJ, GMA News