Inihayag ni Jay Manalo na proud siyang nakikita na marunong nang magkusang-loob ang kaniyang mga anak pagdating sa mga gawaing bahay, at pinasalamatan ang kaniyang asawa sa maayon na pagpapalaki sa kanila.
"You see how important talaga to spend precious time with your family. Makita mo 'yung mga bagay na hindi mo nakikitang ginagawa nila sa loob ng bahay. For example 'yung aking anak, 'yung panganay ko nagluluto," kuwento ni Jay sa panayam sa kaniya ng GMA Regional TV Live.
Bilib daw si Jay na marunong nang magluto ang kaniyang mga anak.
"Dito kasi 'yung mga bata, nakikita naman nila na nandiyan lang 'yung kusina, makikita mo sila nagluluto sila kung ano ang gusto nilang kainin, hindi na nila iuutos. So makikita mo talaga na kahit paano overwhelming 'yun at proud ka na may naituturo kang maayos sa loob ng bahay," kuwento niya.
Pinasalamatan naman ni Jay ang asawa niyang si Anna Ryza Austra-Manalo sa mabuting pagpapalaki sa kanilang mga anak.
"And that goes to my wife. Siya 'yung mostly nandito sa bahay. Ako nasa labas lang, nagwo-work eh, lalo noong wala pang pandemic," natatawa na sabi ni Jay.
Lagi rin naman daw nakaalalay si Jay para paalalahanan ang kaniyang mga anak.
"Sa ngayon, umaalalay sa mga bata, sa kung ano ang gagawin nila. Siyempre always naman, generally speaking sa mga parents, always merong do's and don'ts, meron tayong mga bagay na itinuturo sa kanila at ipinapaliwanag," anang "Anak ni Waray vs Anak ni Biday" actor. --Jamil Santos/FRJ, GMA News