Sa pamamagitan ng post sa Facebook, inihayag ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) chairperson Liza Diño, na mananatili siyang bilang miyembro ng Executive Committee ng Metro Manila Film Festival (MMFF) sa harap ng pagbibitiw ng tatlong kasapi nito.
Ang pahayag ay ginawa ni Liza bilang reaksyon sa kontrobersiyal na pagkalas nina Ricky Lee, Roland Tolentino at Kara Alikpala, bilang miyembro ng MMFF Execom.
Ginawa ng tatlo ang pagbibitiw matapos ihayag ang unang apat sa walong magiging kalahok ng MMFF sa darating na Disyembre.
"I have been asked by the media to comment about the resignation of our 3 MMFF execom members since the news broke out last friday. The past few days have been tough and I've been thinking long and hard kung paano iaapproach ang nangyari so forgive me if today lang masasagot ang mga tanong," saad ni Liza sa post.
Ayon pa sa opisyal, nakausap na niya ang tatlo bago pa man nagbitiw ang mga ito bilang kasapi ng Execom dahil sa magkakaibang pananaw ng mga miyembro ng komite na sumasala sa mga pelikulang kasali sa film festival.
"As artists, we operate differently esp kung passion at creativity ang tanging puhunan at pinaghuhugutan. But there are things that are beyond our control especially in a committee of 24 members na may kani-kanyang pinanggagalingan. Since execom is a colegial body, majority wins and that's what was followed," paliwanag ni Liza.
Inamin niya na hindi siya masaya sa direksyong tinatahak ng MMFF ngayong taon pero inuunawa raw niya ito.
"Filmmaking is a business as much as it is an art. The hardest part is to find the balance so we can serve both of its purpose. Last year, nagtagumpay ang MMFF dahil nakapagbigay tayo ng line up ng mga pelikulang kakaiba sa karaniwang panlasa ng mga manonood. Artistically, it was a big achievement for Philippine Cinema," patuloy niya sa post.
Gayunman, hindi raw sapat ang naging resulta sa takilya ng mga pelikulang naipalabas sa MMFF noong nakaraang taon.
"400M is not enough to sustain a theater industry. In a country where we only have an annual average of 20% audience viewership, they need that Christmas revenue in order to recoup their losses. Mahalaga ang audience turnout when we talk about the business side and a 1Billion loss is no joke kahit saang sektor," pahayag pa ng opisyal.
Ngayong 2017, hangarin umano ng MMFF na maisagawa ang "artistic success" ng 2016 at ang "commercial successes" ng mga nagdaang film fest nang hindi naisasakripisyo ang mga repormang naipatupad noong nakaraang taon.
"Kaya siguro umaalma ang karamihan ngayon dahil hindi akma ang naging resulta ng lineup sa sinasabing dapat na VISION ng MMFF. Walang masamang gumawa ng blockbster films. We ALL watch hollywoods money making films. Kaso ang tanong, yun ba ang direksyon ng MMFF? Maybe it's about time to take a closer look into aligning the supposed vision with the real intention of the festival," ayon pa kay Liza.
Sa kabila ng kontrobersiya, inihayag ni Liza na nagpasya siyang manatili bilang kasapi ng Execom.
"This is bigger than myself. As head, I have a duty to serve the entire industry. Hindi natin pwedeng idamay ang mga pelikulang nakasali. At the end of the day, Pelikulang Pilipino pa rin ang kalahok dito," paliwanag niya.
Nitong nakaraang linggo, inanunsyo na pasok na sa MMFF 2017 ang mga pelikulang "Ang Panday," "Almost Is Not Enough," "The Revengers" at "Love Traps #FamilyGoals." -- FRJ, GMA News