Hiniling ng Commission on Elections (Comelec) sa Kongreso na gawin na bago matapos ang Disyembre ang pasya kung nais ng mga mambabatas na ipagpaliban na naman ang dapat sanang kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakdang idaos sa Mayo 2025.

Ginawa ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang apela sa pagdinig ng Senate local government committee hearing nitong Huwebes, tungkol sa panukalang batas na iurong ang BARMM elections sa sa May 11, 2026 sa halip na sa May 12, 2025.

"Isa lang po ang pakiusap ng Comelec, hindi po ito pressure sa ating Kongreso, pero ang katotohanan lang po, sana po ay may development kung matutuloy o hindi ang ating halalan sapagkat mag-i-imprenta ang Comelec ng balota sa huling linggo ng Disyembre," paliwanag ni Garcia.

"Ibig sabihin po, ipa-finalize namin ang list of candidates, hopefully, before December 13 of this year," dagdag niya.

Kasalukuyang isinasagawa ang paghahain ng certificates of candidacy ng mga sasabak sa 2025 BARMM polls ngayong linggo na magtatapos sa November 9.

Habang walang batas na nagagawa ang Kongreso para iurong ang naturang halalan, sinabi ni Garcia na tuloy-tuloy ang gagawing paghahanda ng Comelec.

"Yun po ang timeline po talaga namin dito sa ganitong klase ng development more or less hanggang second week ng December, and this is not to put pressure with due respect to our Congress," ayon kay Garcia.

"Hindi naman po namin pupuwedeng i-presume na maaring ito ay maaprubahan at maging batas, ang panukalang ito, kaya kailangan ituloy po namin, paliwanag niya.

Sa ambush interview, sinabi ni Senador JV Ejercito, chairman ng Senate local government committee, na target nilang maipasa ang batas bago matapos ang Nobyembre.

"Hopefully by end of November maipasa natin in line with Comelec deadline on the second [week] of December," ani Ejercito.

Sa naturang pagdinig, sinuportahan ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez ang pagpapaliban ng halalan bunga na rin ng desisyon ng Korte Suprema na hindi dapat isama sa autonomous region ang Sulu na tumutol batay sa resulta ng referendum.

Dahil sa posibleng "ramifications" mula sa peace agreements bunga ng SC decision sa Sulu, sinabi ni Galvez na nais ng OPAPRU  na magkaroon ng proper transition plan para sa lalawigan.

"The one year election reset is also the perfect time for the Bangsamoro Transition Authority (BTA) to refine existing Bangsamoro policies and codes in preparation for the election. Given that several Bangsamoro policies apply to the provinces of Sulu, the BTA must be accorded ample time to review and amend these as needed so that it will not be vulnerable again for challenge for its constitutionality before the Supreme Court," paliwanag ni Galvez.

Binanggit na dahilan ni Galvez sa pagpapaliban ng halalan ng BARMM ang umano'y security threats dahil nasa proseso pa ng decommissioning ang mga dating kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at transformation ng Moro National Liberation Front (MNLF).

"By covering sizable amounts of small arms and light weapons during this process, we can decrease the threats from the use of loose firearms during the election period and guarantee that election-related violence is within reasonable control of the government," paliwanag niya.

Karapatang pumili ng lider

Tutol naman si Maguindanao del Sur Governor Bai Mariam Mangudadatu, na iurong muli ang halalan sa BARMM na ikalawang beses nang mangyayari kapag nagkataon.

Giit ng gobernador, karapatan ng Bangsamoro people ang pumili ng kanilang mga lider.

"They will allow the same people to serve for seven years without any election or mandate from the people," sabi ni Mangudadatu sa Senate panel.

Ipinaalala ni Mangudadatu ang pahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. noong nakaraang Pebrero na dapat maging matagumpay ang first BARMM elections 2025, at inulit ng Punong Ehekutibo noong Abril na dapat matuloy ang naturang halalan.

"Why the sudden change? If the reason is Sulu exiting BARMM, what if the Sulu exit in the Philippine hypothetically? Wala na ring election sa Pilipinas dahil affected ang seats sa Congress?" tanong niya.

Ayon pa kay Mangudadatu, bagaman mga MILF ang kasalukuyang namamahala sa Bangasamoro government, "violence between and among MILF groups and individuals continues to emerge destroying the peace and order of BARMM."

Bukod sa mga kaguluhan, sinabi ni Mangudadatu, na posibleng patuloy na hindi mabantayan ang P500 billion block grant na napupunta sa BARMM.

"If extended, seven years na po ang BARMM without any oversight review [on] how they spent more than P500 billion block grant and government funds... May kasama rin itong social development fund (SDF) na nagkakaloob ng P5 billion over and above the block grant, and international aid over and above block grant and SDF," paliwanag niya.

"If people are so concerned with confidential fund and flood control, I think people should also be concerned about the P500 billion block grant freely given to Bangsamoro Region. Masisisi ninyo ba ang taumbayan kung magtanong saan nga ba napunta ang pera ng BARMM?" giit niya.

Una rito, nagpahayag ng pagtutol si Basilan Rep. Mujiv Hataman, na ipagpaliban ang halalan sa BARMM dahil muling pagkakaitan umano ang Bangsamoro people ng kanilang karapatan na pumili ng kanilang mga pinuno.

“Ang kapangyarihang mamuno at ang pribilehiyong magsilbi sa bayan na ating ibinibigay sa mga lider ng pamahalaan ay dapat magmula sa mandato ng taumbayan,” pahayag ng kongresista na tatakbong gobernador ng Basilan sa Eleksyon 2025.

“The right of the Bangsamoro people to choose their own leaders who will be ultimately accountable to them is one of the highest expressions of our democracy as enshrined in both the Constitution and the Bangsamoro Organic Law,” sabi ni Hataman, na dati nang nananawagan na magkaroon pagsusuri kung paano nagastos ang pondo ng BARMM.

Unang itinakda ang BARMM elections noong 2022 pero ipinagpaliban dahil sa konsiderasyon ng pandemic kaya iniurong sa 2025.

Mula nang maitatag noong 2019 ang BARMM na pumalit sa ARMM (Autonomous Region on Muslim Mindanao na naging gobernador si Hataman), mga itinalaga o piniling opisyal lang at hindi mga halal ang namamahala sa Bangsamoro Transition Authority (BTA).

“Kailangan ba ito? Makatarungan ba ito? Ito ba ay mas mainam para sa karapatan ng mga mamamayan sa Bangsamoro? Ano ang implikasyon nito sa demokrasya natin?” pahayag ni Hataman.

Tutol din sina Senador Koko Pimentel at Imee Marcos, na ipagpaliban ang BARMM elections.-- mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News