Tinanong ng mga mamahayag nitong Huwebes si Senador Sherwin Gatchalian kung totoo na pag-aari ng isa niyang kapatid ang kontrobersiyal na puting SUV na may plakang "7" na para sa mga senador, na sinita noong Linggo dahil sa pagdaan sa EDSA busway pero tumakas.

Gayunman, hindi direktang sinagot ng senador ang tanong dahil nagsasagawa na umano ng imbestigasyon ang Land Transportation Office (LTO) tungkol dito.

"Kahapon nanood ako ng news, nakita ko 'yung representative ng company may statement na tapos nakita ko rin na nagbayad na ng fine so iwan na lang natin sa LTO kung ano 'yung kanilang desisyon at 'yung kanilang gagawin," sabi ni Gatchalian sa ambush interview.

Dagdag pa niya tungkol sa kung sino ang may-ari ng SUV, sabi ni Gatchalian, "Andun na sa LTO 'yung mga documents so iwan na lang natin sa LTO."

"Mahirap namang mag-comment habang nag-iimbestiga sila. The LTO naman ay on top of the situation," dagdag niya.

Nauna nang sinabi ng LTO na peke ang naturang protocol plate no. 7 na nakakabit sa SUV.

Ang plakang 7 ay para sa mga senador lamang.

Una rito, sinabi ni Senador Raffy Tulfo na kamag-anak ng isang senador ang sakay umano ng naturang SUV.

“Related ito sa isang senador pero hindi 'yung senador 'yung sakay ng SUV na 'yan at the time. Kamag-anak ng isang senador,” ayon kay Tulfo sa press briefing nitong Miyerkoles.

Sinabi pa ni Tulfo, na miyembro ng Armed Forces of the Philippines ang pasahero na patungo umano sa isang resort sa Quezon City, at nanggaling sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Sinita ang SUV dahil sa pagdaan sa EDSA busway sa Guadalupe Station's northbound lane noong Linggo.

Sa video post ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), nakitang umalis ang SUV kahit pinatitigil ni Secretariat Sarah Barnachea ng DOTr-SAICT.

Nitong Miyerkoles din, lumantad na ang driver ng SUV, na empleyado ng Orient Pacific Corporation, na nagma-may-ari umano sa sasakyan.

Tumanggi ang abogado ng kompanya na tukuyin kung sino ang may-ari o mga opisyal ng Orient Pacific Corporation.

Pero sa nakuhang kopya ng GMA Integrated News Research tungkol sa mga opisyal ng Orient Pacific Corporation, nakasaad na presidente nito si Kenneth T. Gatchalian, kapatid ni Sen. Gatchalian, at kandidatong kongresista sa Eleksyon 2025.— mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News