Nadakip ang isang tumatakas na pugante na nakabangga pa ng mga sasakyan matapos siyang patirin ng isang alistong sibilyan kaya naabutan at nahuli siya ng mga awtoridad sa Kayseri, Turkiye.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood na sakay muna ng kotse ang suspek at tinatakasan ang isang awtoridad na pinapatigil siya.

Ngunit habang tumatakas, may nabangga siya na isang kotse at umaangat likod ng kaniyang sasakyan sa bangketa kaya napilitan siyang lumabas ng kotse at kumaripas nang takbo.

Nakalayo na ang suspek nang bigla siyang patirin ng isang lalaking sibilyan sa kaniyang daraanan. Nasubsob ang suspek, at doon na siyang inabutan at naaresto ng mga awtoridad.

Hindi agad malinaw sa mga awtoridad kung bakit sila tinatakasan ng suspek na dapat sanang patitigilin lang sa ordinaryong "stop warning."

Nang magsagawa ng beripikasyon tungkol sa kaniyang pagkatao, nalaman na ng mga awtoridad na isa palang convicted na magnanakaw ang suspek na kinilala lamang bilang si E.P.

Ayon sa record ng mga awtoridad, nahatulan sa kasong robbery ang suspek at pinatawan ng 16 taon at 11 buwang pagkakabilanggo.

Balik-bilangguan ang suspek, na pinagmulta rin dahil sa kaniyang traffic violation.

Pinasalamatan naman ng mga awtoridad ang sibilyan na naglakas-loob na pigilan ang tumatakas na suspek.

Sa kabutihang palad, wala ring motorista o pedestrian na nasaktan mula sa pagbangga ng kotse ng suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News