Sinabi ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office general manager Royina Garma na isang police lieutenant colonel ang nagyabang noon na kasama umano sa pagpatay kay dating Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili, na binaril habang dumadalo sa flag raising ceremony sa city hall noong Hulyo 2018.
Inihayag ito ni Garma, dati ring police officer, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Quad Committee nitong Biyernes, kaugnay sa nangyaring patayan sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Sa naturang pagdinig, tinanong ni Laguna Representative Dan Fernandez si Garma tungkol sa iba pang kilalang personalidad na pinatay sa naturang kampanya ng nagdaang administrasyon.
BASAHIN: Kontrobersiyal na si Tanauan City Mayor Antonio Halili, patay sa pamamaril
Dito na nabanggit si Halili na binaril at napatay ng hinihinalang "sniper" habang dumadalo sa flag raising ceremony sa city hall.
Nakatayo noon ang alkalde nang bigla itong napahawak sa kaniyang dibdib at nakalakad nang sandali bago natumba dahil na may tama na pala ng bala.
Walang naging malinaw na resulta sa imbestigasyon kung sino ang bumaril at posibleng nagpapatay sa kontrobersiyal na alkalde na kilalang nagpaparada ng mga suspek na sangkot sa ilegal na droga.
Gayunman, kabilang si Halili sa mga tinukoy ni dating pangulong Rodrigo Duterte na sangkot umano sa ilegal na droga, na itinatanggi naman ng alkalde noong nabubuhay pa.
Ayon kay Garma, mayroong usap-usapan noon sa Philippine National Police (PNP) na may mga operatiba na sangkot sa mga paglikida noong nagdaang administrasyon.
“Yes Mr. Chair, it was public knowledge, it was in the newspaper like the couple na Odicta, ‘di ba namatay po ‘yon. Mayor Halili, mga mayors,” ayon kay Garma.
BASAHIN: 11 mayors, 6 vice mayors have been killed under Duterte administration
"Ano’ng pagkaalam mo sa pagkamatay ni Mayor Halili?” tanong pa ni Fernandez.
“Tsismis lang kasi, Mr. Chair. During that time po sa war on drugs, puwede pong tumawid yung mga operatives,” sabi ni Garma sa komite.
Patuloy pa ni Garma, “Pinagmalaki kasi ng isa sir eh, na sila.”
Tinukoy ni Garma ang pangalan ng naturang police officer na may ranggong lieutenant colonel sa isang rehiyon.
“Pinagmalaki niya sa akin noon. ‘Oh talaga? How did you do it?’ Mga kilala niya mga kasama niya,” dagdag ni Garma.
Tanong ni Fernandez, “So it’s a team that killed Mayor Halili?”
Ayon kay Garma, iyon umano ang “reality on the ground” noong administrasyon ni Duterte.
"According to him, Mr. Chair. During that time kasi kapag mayroon ng grapevine, it would appear na it is an operation, nagkakaroon ng code of silence,” sabi ni Garma. “It’s real talk, Mr. Chair sa PNP. Tahimik na, matatakot na yung iba. Matatakot na rin even RDs (regional directors)…..It became a culture.”
Dahil sa ibinigay na impormasyon ni Garma, hiniling ni Fernandez sa komite na ipatawag ang naturang police officer sa susunod na pagdinig.—FRJ, GMA Integrated News