Masuwerteng nakaligtas ang isang babae na bahagyang pumailalim sa dumarating na tren matapos siyang "mahulog" sa riles ng Doroteo Jose Station ng LRT-1 sa Maynila nitong Martes.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras," ipinakita ang nag-viral na video sa social media na nakaupo sa gitna ng riles ang babae habang may dumarating na tren kaninang tanghali.

Mabuti na lang at naging alerto ang guwardiya na nasenyasan ang makinista ng tren kaya agad na nakapag-preno.

Bahagyang pumailalim sa tren ang babae na nagtamo ng kaunting sugat pero nakaligtas.

Kaagad na dinala ng mga tauhan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) ang babae sa Jose Reyes Memorial Medical Center.

“The LRMC team was able to respond immediately to assess the passenger status. Per initial assessment, the passenger was conscious and sustained minor injury, and was immediately brought to the hospital and turned over to the proper authorities,” ayon sa pahayag ng LRMC.

Pinuri ng LRMC ang makinista ng tren na regular umanong nagsasagawa ng pagsasanay tungkol sa mga sitwasyon na maaaring mangyari.

Matapos ang insidente, kaagad ding bumalik sa normal ang operasyon ng LRT-1 dakong 1 p.m.
Pinag-aaralan na ng LRMC ang posibilidad na maglagay ng safety barriers sa mga train station.

Nilinaw din ng awtoridad na nahilo ang babae at nawalan ng balanse kaya nalaglag sa riles, taliwas sa naunang mga impormasyon na tumalon siya. —FRJ, GMA Integrated News