Naaresto na ang mga suspek sa panghoholdap sa isang convenience store sa Pasig at isang gasolinahan sa Rizal. Ang mga nadakip, isang 18-anyos at dalawang menor de edad.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, nakuhanan sa CCTV camera ang pagsalakay ng tatlo sa isang convenience store sa Barangay Maybunga, Pasig.
Tinutukan nila ng baril ang kahero at pinabuksan ang kaha na may lamang P600 na kanilang tinangay.
Kinuha rin nila ang issued firearm sa guwardiya sa establisimyento, ayon kay Police Colonel Celerino Sacro, hepe ng Pasig Police.
Sa bayan naman ng Taytay, Rizal, nahuli-cam ang dalawa sa mga suspek na nasa isang gasolinahan sakay ng isang motorsiklo.
Pero maya-maya lang, pinasok na ng isang suspek ang cashier’s booth, at tinutukan naman ng baril ng isa pang suspek ang gasoline boy.
Matapos ang pang-hoholdap, tumakas ang dalawa sakay ng motorsiklo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, natukoy na ang mga suspek ang nasa likod ng naturang holdapan sa Pasig at Taytay noong nakaraang linggo.
Sa isinagawang operasyon ng Pasig Police Follow-up Unit at SWAT, nasakote sa isang bahay sa Barangay Pinagbuhatan ang 18-anyos na suspek.
Dinampot naman ng mga pulis sa Taytay ang dalawang menor de edad na suspek na ireklamo rin ng kanilang kapitbahay dahil sa pagpapaputok ng baril.
Narekober sa mga suspek ang baril na kanilang kinuha mula sa guwardiya ng convenience store.
Ayon sa pulisya, may tumatayong lider sa tatlong suspek na si alyas “Akmar.” Organisado umano ang grupo na umaatake sa mga karatig na bayan ng Cainta, Antipolo, at Mandaluyong. -- J.Santos/VA Ferreras/FRJ, GMA Integrated News