Isang kombinasyon lang ng mga numero ang tinayaan ng isang 24-anyos na babae mula sa Pasig sa MegaLotto 6/45 na tumama at nanalo ng P42.9 milyon.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa kanilang Facebook page nitong Lunes, nakasaad na tumaya ang lucky winner sa MegaLotto 6/45 draw noong July 17, 2023.

Tinayaan umano ng babae ng isang kombinasyon ng mga numero na edad at birth date ng kaniyang pamilya sa halagang P20 na siyang lumabas: 31-13-10-37-34-18.

“Tuwang tuwa si mama kasi natupad ko ang pangarap niyang jackpot,” sabi umano ng babae.

Sa ngayon, plano umano ng bagong milyonarya na itabi umano ang pera nang tanungin siya kung ano plano niya sa kaniyang napanalunan nang kunin niya ito sa tanggapan ng PCSO.

“Ang tanging sigurado po ay magiging savings po muna ito, napakabata ko pa po at madami pa akong kakaharapin. Mas maigi na pag-isipang mabuti para hindi po ako magsisi bandang huli,” saad niya. --FRJ, GMA Integrated News