Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang kautusan na nagtatakda ng limitasyon o "ceiling" sa presyo ng bigas sa buong bansa. Hinikayat din ng Palasyo ang publiko na isumbong ang mga nagtitinda at negosyante na hindi susunod.
Sa pinirmahang Executive Order No. 39 ni Executive Secretary Lucas Bersamin, nakasaad na inaprubahan ni Marcos ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade of Industry (DTI) sa pagtatakda ng price ceilings sa bigas sa buong bansa.
Sa regular milled rice, P41 per kilo ang itinakdang sagad na presyo, habang P45 per kilo naman sa well-milled rice.
Inilabas ang naturang kautusan matapos mabahala si Marcos sa sumisirit na presyo ng bigas sa bansa na umaabot ngayon sa P45 hanggang P70 ang bawat kilo.
Sa ilalim ng Section 7 ng Republic Act No. 7581, nakasaad na may kapangyarihan ang Pangulo na magpatupad ng price ceiling sa mga pangunahing produkto batay sa rekomendasyon ng implementing agency, o ng Price Coordinating Council.
Nakasaad din sa EO na mananatili ang itinakdang price ceilings sa bigas hangga't hindi inaalis ng Pangulo, batay sa rekomendasyon ng Price Coordinating Council o ng DA at DTI.
Inatasan din ni Marcos ang DA at DTI na tiyakin ang maipatutupad ang naturang kautusan.
Kasama rin sa EO ang direktiba sa Department of the Interior and Local Government, pati na ang Philippine National Police, na tulungan ang DA at DTI sa pagpapatupad ng kautusan.
Kasabay nito, hinikayat ni Marcos ang publiko na isumbong sa awtoridad ang mga nagtitinda at mga negosyante na hindi susunod sa itinakda niyang price ceiling sa bigas.
"I would encourage anyone who finds that someone or retailer is selling at above the price ceiling, i-report po ninyo. I-report po ninyo sa pulis, i-report po ninyo sa DA (DA) doon sa lugar ninyo, i-report ninyo sa local government para matingnan po namin," ayon sa pangulo sa isang panayam sa Palawan.
Samantala, inatasan din ni Marcos ang Philippine Competition Commission, sa koordinasyon ng DA at DTI, na ipatupad ang kailangang hakbang laban sa rice cartel at sa mga nagsasamantala sa pagtaas ng presyo ng bigas.—FRJ, GMA Integrated News