Natuklasan na may arrest warrant at hindi rin dating sundalo o reservist ang motorcycle rider na nakuhanan ng video na nakikipagbuno sa isang nakasibilyang pulis sa kalsada ng Makati City kamakailan.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabi ni Southern Police District director Police General Roderick Mariano, na ang rider na nakilalang si Angelito Rencio, ay may standing warrants sa kasong qualified theft, usurpation of authority, at iba pa.
"We are verifying if he has already posted bail," sabi ni Mariano.
Sa viral video, makikita si Rencio na naka-helmet habang nakahiga sa kalsada sa panulukan ng Arnaiz Road at Osmeña Highway. Nakaibabaw sa kaniya at may hawak na baril si Police Staff Sergeant Marsan Dolipas.
Nang dalhin noon sa himpilan ng pulisya ng Makati si Rencio, nagpakilala siyang retired intelligence operative ng Armed Forces of the Philippines.
Pinayagan siyang umalis ng presinto para kunin umano ang mga papeles ng kaniyang baril.
Inalis na sa puwesto ang dalawang pulis-Makati na pinayagang umalis si Recio.
Naglabas naman ng pahayag ang AFP na hindi nila naging tauhan sa intel, o reservist si Recio.
Samantala, naghain na si Dolipas ng reklamong usurpation of authority, illegal possession of firearms, at resisting arrest sa Makati Prosecutors Office laban kay Recio.
Aminado siya na naapektuhan ang kaniyang pamilya sa nag-viral na video na tila lumilitaw na abusado siya.
“Mayabang daw ako kasi daw pulis ako may baril ako. Sa mata kasi ng mga tao is hindi maganda yung ginawa natin. Pero nakita naman ng mga tao na ginagawa lang natin ang trabaho natin. At wala po tayong intensyon na saktan ‘yung tao,” paliwanag ni Dolipas.
“Sabi ko sa kaniya, Sir, kuya mag-ingat naman kayo dahan-dahan sa pagmamaneho muntik ko na kayong mabangga. Ang sagot niya sa akin (bleep), nag-dirty finger, tinaas niya yung kanang bahagi ng t-shirt niya sa baywang. Doon ko nakita na may baril,” dagdag niya.
Ayon pa kay Dolipas, kinabahan siya nang sandaling iyon dahil inakala niyang bubunutan siya ng baril ni Recio.
Iniimbestigahan na rin ng pulisya ang kuwento ni Dolipas sa nangyari.
Nagbigay din siya ng paliwanag sa National Police Commission.
Patuloy namang hinahanap si Rencio pero natukoy na nakarehistro sa isang security agency ang dala niyang baril.
“The serial number ay naka-assign sa isang security agency, so we are now verifying doon sa security agency,” ayon kay Mariano. —FRJ, GMA Integrated New