Tuluyan nang sinibak sa puwesto ang dating hepe ng Mandaluyong City Police na naunang nagpositibo sa drug test at bumagsak naman sa confirmatory test.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson, Police Colonel Jean Fajardo, na sisimulan na nila ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Mandaluyong City Police Chief Cesar Gerente.
“Dahil meron na tayong resulta ng confirmatory test, ay sinimulan na rin po yung pre-charge investigation at nakausap nga po natin yung investigating unit po ng NCRPO at siya po ay kakasuhan po ng conduct unbecoming of a police officer po for testing positive for drug test,” ayon kay Fajardo.
Unang inalis sa puwesto si Gerente makaraang magpositibo sa biglaang drug test na isinagawa noong August 24 ng NCRPO, ayon kay Eastern Police District (EPD) Director Police Brigadier General Wilson Asueta.
Dahil sa kinakaharap na usapin, maaari umanong tuluyang masibak sa trabaho si Gerente at maharap sa kasong kriminal.
“Meron po siyang 15 days to challenge nga po itong result nga po ng confirmatory test. Then, antayin po natin 'yan na kung ichachallenge niya itong result ng confirmatory test but since we already have the findings of the confirmatory test this will be the basis para nga po gumulong na nga po itong pre-charge investigation,” sabi ni Fajardo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng NCRPO si Gerente na hindi pa nagbibigay ng kaniyang pahayag.
Patuloy naman ang isasagawa mandatory random drug test ng EPD sa kanilang mga tauhan.-- FRJ, GMA Integrated News