Sinuspinde ng Malacañang ang pasok sa trabaho sa gobyerno at klase sa lahat ng antas sa paaralan sa Metro Manila sa Biyernes, September 1, 2023.
Nakasaad ito sa Memorandum Circular No. 30 na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin dahil sa inaasahang malakas na ulan dulot ng Habagat at bagyo.
"Agencies involved in the delivery of basic and health services, preparedness and response to disasters and calamities, and/or the performance of other vital services shall continue with their operations and render the necessary services," nakasaad sa kautusan.
Ipinapaubaya naman sa pribadong sektor ang pagsuspinde sa pasok ng kanilang mga manggagawa.
Nitong Huwebes, ilang kalsada sa NCR ang nalubog sa baha dahil din sa naranasang malakas na ulan.
Ayon sa PAGASA, palalakasin ng bagyong Hanna, at Super Typhoon Saola (o Goring) na nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility, at ang Severe Tropical Storm Kirogi na nasa labas pa ng PAR, ang Habagat. —FRJ, GMA Integrated News