Nasawi ang 15 tao, kabilang ang isang bata, nang masunog ang isang bahay na mayroon ding negosyo sa Barangay Tandang Soro sa Quezon City kaninang umaga.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GTV News "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing dakong 5:30 am nang magsimula ang sunog sa isang bahay sa Pleasant View subdivision, na umabot lang ng first alarm.
Ayon sa nakaligtas na kasambahay, 18 ang natutulog sa bahay pero tatlo lang ang nakaligtas. Isang bintana lang sa ikalawang palapag ng bahay ang wala umanong harang na bakal na puwedeng labasan.
Sa unang palapag ng bahay, mayroon umanong 12 na natutulog, at isang sa mga ito ang nakalabas.
Naging mabilis umano ang pagkalat ng apoy.
Kabilang sa mga nasawi ang isang batang babae na tatlong-taong-gulang, ang ina nito, at may-ari ng negosyo na t-shirt printing.
Nasawi rin ang isang yaya at 11 trabahador.
Ayon kay BFP-National Capital Region director Fire Chief Superintendent Nahum Taroza, walang business o mayor's permit ang naturang negosyo.
Mayroon umano itong pending application sa BFP para lamang sa maliit na opisina at hindi bilang printing business.
Ayon naman sa opisyal ng Barangay Tandang Sora, binigyan ng barangay permit ang negosyo dahil inindorso ito ng homeowners association.
Sinabi naman ng asosasyon na inindorso nila ito noon lang nakaraang taon.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Philippine National Police’s (PNP) Scene of Crime Operations (SOCO) division sa insidente. —FRJ, GMA Integrated News