Sa kulungan ang bagsak ng apat na lalaking magbabarkada na nasa likod umano ng pagnanakaw ng mga motorsiklo sa Barangay Commonwealth sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na may mga residenteng nagreklamo tungkol mga nawawala nilang motorsiklo na ipinarada sa labas ng kanilang mga bahay.
Unang nadakip sa Barangay Commonwealth si Chuck Garcia, na nakuhanan din ng baril na kargado ng mga bala.
Kalaunan, itinuro niya ang kaniyang mga umano'y kasabwat na sina Bryan Patrick Mamplata, Regie Francisco at Ryan Ilig, na nadakip sa Rodriguez, Rizal.
Nabawi sa tatlo ang mga ninakaw na motorsiklo.
Lumabas sa imbestigasyon na kabilang ang apat sa grupo na nagnanakaw ng mga motor sa Rodriguez, Rizal, at Quezon City.
Puwera kay Garcia, mga miyembro ng Sputnik Gang ang tatlong iba pang suspek, na mga dati nang nakulong dahil sa carnapping, illegal gambling, robbery, theft at illegal possession of bladed weapon.
Nasampahan na ang mga suspek ng paglabag sa New Anti-Carnapping Act, habang may karagdagang paglabag si Garcia sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News