Inalis sa puwesto ang hepe ng Mandaluyong City Police matapos na magpositibo sa drug test. Hinihintay naman ang resulta ng kaniyang confirmatory test.
Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabi ni Eastern Police District (EPD) Director Police Brigadier General Wilson Asueta, nagpositibo sa ilegal na droga si Colonel Cesar Gerente sa isinagawang surprise drug test ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Isinailalim si Gerente sa regional personnel holding and accounting section ng NCRPO regional personnel records management division habang hinihintay ang resulta ng kaniyang confirmatory test.
Isinuko ni Gerente ng kaniyang service firearms at hiningan ng paliwanag.
Ipinalit sa puwesto ni Gerente si Colonel Mary Grace Madayag bilang acting chief of police ng Mandaluyong City.
Sinabi ni Asueta na hindi nila kukunsintihin ang mga kasamang gumagamit ng ilegal na droga.
Sinisikap pa ng GMA News Online na makuhanan ng pahayag si Gerente. —FRJ, GMA Integrated News