Dead on the spot ang isang siklista matapos mabundol at magulungan ng truck sa Quezon City nitong Lunes ng tanghali, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Nangyari ang insidente pasado 12 p.m. nitong Lunes sa kanto ng Quezon Avenue at Araneta Avenue.

Sa kuha ng CCTV, makikitang papaliko pa-kanan ang oil tanker nang mabundol niya at makaladkad ang isang lalaking nagbibisikleta.

Hindi pinangalanan sa ulat ang biktima, pero may edad itong 58.

Samantala, nasa kustodiya na ng pulis ang driver ng truck. Ayon sa kaniya, galing siyang Bataan at magde-deliver sana siya sa isang gasolinahan sa Quezon City nang maganap ang insidente.

Dagdag pa ng driver, hindi raw niya nakita ang siklista kaya niya ito nabundol.

“Hindi ko po nakita talaga e hindi ko po nakita tumatakbo po ako ng dahan dahan kasi pakurba po iyon e. Hindi ko lang po napansin na may bisikleta doon hindi ko talaga nakita,” ani ng truck driver sa ulat ng "24 Oras."

Nahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property with homicide.—KBK, GMA Integrated News