Unang beses pa lang umanong tumaya ang isang babae mula sa Pampanga na nanalo ng P41 milyon na jackpot prize sa Megalotto 6/45 draw noong June 2, 2023.
Sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabing kinubra ng lucky winner ang premyo nito na nakahula sa lumabas na winning combination na 25-15-05-11-09-03.
Ayon umano sa babae, naniniwala siya na ipagkakaloob ng Diyos ang suwerte ng isang tao kung nakatakda ito.
Plano umano ng babae na magtayo ng sariling negosyo mula sa premyo na kaniyang napanalunan.
Samantala, nakubra na rin ng isa pang mapalad na lotto winner ang premyo na kaniyang napanalunan sa Grand Lotto 6/55 draw noong June 5, 2023.
Mula umano sa Taguig ang lalaking lotto winner ng mahigit P29 milyon ang tinamaan matapos mahulaan ang lumabas na mga numero na 11-17-28-06-09-01.
Tumataya na umano sa lotto ang nasabing lalaki mula pa noong 1997. --FRJ, GMA Integrated News