Kahit nakaposas na, nagawa pa ring itakas ng isang lalaki ang isang police car matapos siyang hulihin ng mga awtoridad dahil sa pagiging kaskasero umano sa Colorado, USA.
Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood sa video ang paghabol ng ilang police car sa itim na sasakyan ng suspek na si Anthony Sanchez III.
Nakorner ang suspek nang banggain ng mga pulis ang likurang bahagi ng kaniyang sasakyan.
Agad na kinapkapan si Sanchez dahil sa impormasyon na may baril umano ang suspek at pinaputok habang humaharurot sa kalsada.
Nakuha ang baril sa sasakyan ng suspek.
Sa isang video ng Colorado State Patrol, makikitang mag-isa lang ang suspek sa loob ng patrol car. Habang ang ibang pulis, nakatayo sa gilid ng kalye na tila nakabantay sa daloy ng trapiko.
Ilang sandali pa, nagawa ng suspek na ilipat ang pagkakaposas niya sa harapan ng katawan, lumipat siya sa unahan ng police car, at sa itinakas ang sasakyan.
Kinailangan namang putulin ang radio communication sa police car na tinangay ng suspek para hindi nito madinig ang komunikasyon at diskarte ng mga pulis na tumutugis sa kaniya.
Kabilang dito ang paglalagay ng spikes sa kaniyang dadaanan. Nakaligtas ang suspek ang unang spikes, ngunit hindi na sa ikalawang spikes na dahilan para bumangga siya sa nakaparadang truck.
Nawasak ang harapang bahagi ng patrol car at nagtamo ng head injuries ang suspek. Isinugod siya sa ospital ngunit namatay din habang ginagamot.
Patuloy na iniimbestigahan ang insidente at pinag-aaralan kung may kapabayaan ang mga pulis sa nangyari. --FRJ, GMA Integrated News