Nagulantang ang ilang residente sa Sampaloc, Maynila matapos sumabog ang isang tindahan ng LPG nang dahil umano sa gas leak. Ang isang empleyado, nalapnos ang katawan.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa ''24 Oras Weekend'' nitong Sabado, makikita sa isang CCTV sa Barangay 470 Zone 46 na bigla na lamang lumiwanag bago malakas na sumabog ang isang tindahan ng LPG Biyernes ng gabi.
Ang tindahan ay halos katabi lang ng barangay hall kaya nagulantang ang mga nasa loob dahil sa pagsabog.
Agad rumesponde ang barangay tanod at gumamit ng fire extinguisher, hanggang sa makita nila ang empleyadong si Romulo Perante Jr. na nasa loob noon ng tindahan.
Sinabi ng barangay na sa loob na ng tindahan dumaan para makalabas si Perante, na agad isinugod sa ospital.
Ayon sa pulisya, nasunog ang balat ng biktima hanggang sa kaniyang mukha.
Natuklasan ng Manila Fire District na bukod sa LPG tank, mayroon ding mga tangke ng medical oxygen, technical oxygen at acetylene na ibinibenta ng tindahan.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Manila Fire District at Herbosa Police Station kung gas leak ang sanhi ng pagsabog.
Sinabi ng pulisya na may business permit ang tindahan ngunit inaalam ng Manila Fire District kung may fire inspection certificate ito.
Inaalam din ng mga awtoridad ang pananagutan ng may-ari ng tindahan ng LPG, na sinusubukang kunan ng pahayag ng GMA Integrated News. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News