Hinikayat ni Speaker Martin Romualdez ang kontrobersiyal na si Negros Oriental Representative Arnolfo "Arnie" Teves na irekonsidera ang plano nito na huwag munang umuwi ng bansa. Inihayag din ng lider na hindi siya makikialam sa isinasagawang imbestigasyon ng Ethics committee kaugnay sa hindi pa rin pag-uwi ni Teves kahit paso na ang kaniyang travel authority.
Sa pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Romualdez na nakipagpulong sa kaniya nitong Miyerkules ang abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio. Una rito, napag-alaman na hiniling ni Teves na payagan siyang makapag- leave of absence ng dalawang buwan dahil umano sa matinding banta sa kaniyang buhay at sa kaniyang pamilya.
"Atty. Topacio sought a private meeting with me Wednesday night to personally relay some concerns of his client. In that meeting, I reiterated my stand that Cong Arnie should return to the country and report for work at once," ayon kay Romualdez.
"I strongly urge Cong Arnie to reconsider his decision not to return. It does not sit well for a House Member to flee the country rather than avail himself of all the legal remedies available to him," dagdag ng lider ng Kamara.
Sinampahan ng reklamo si Teves kaugnay sa mga insidente ng patayan sa Negros Oriental na nangyari noong 2019. Inireklamo rin siya ng pulisya kaugnay sa mga nakumpiskang ilegal umanong mga baril sa kaniyang bahay na sinalakay ng mga awtoridad noong nakaraang linggo.
Ipinaalam din umano ni Romualdez kay Topacio ang desisyon ng House Committee on Ethics and Privileges na imbestigahan si Teves dahil sa pagtuloy niyang pagliban sa sesyon ng Kamara kahit napaso na noong Marso 9 ang travel authority na ibinigay sa kaniya ng liderato ng Kamara nang magtungo siya sa Amerika.
Ayon kay Romualdez, hindi niya haharangin ang naturang imbestigasyon.
"I will act accordingly after the Committee wraps up its investigation and submits its recommendation to the House leadership," deklara ng speaker, kasabay ng pagtiyak na gagawin nito ang lahat para masiguro ang kaligtasan ni Teves kung uuwi ito ng bansa.
Kasabay nito, hinikayat din ni ACT Teachers party-list Representative France Castro, miyembro ng Ethics committee, na umuwi na ng bansa.
Sa panayam ng GMA Integrated News, sinabi ni Castro na wala siyang nakikitang magandang dahilan para pagbigyan ang hiling ni Teves na two-month leave of absence mula noong Marso 9.
"Hindi ko nakita 'yung reason niya na humihingi siya ng two months. As a government employee — ako, naging teacher din ako — kapag nanghihingi ka ng ganoong katagal na leave, kailangang meron namang justification. Parang mahirap na patunayan 'yon. It's up for him to justify his leave,” ani Castro.—FRJ, GMA Integrated News