Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong lagyan ng prayer room ang mga mall, ospital at mga gusali ng pamahalaan para sa mga Muslim na limang beses magdasal sa isang araw.
“Malaki ang populasyon ng mga Muslim hindi lang sa Mindanao kundi sa buong Pilipinas. Limang beses kami magdasal sa isang araw, at kadalasan challenge ang paghahanap ng lugar para dito,” paliwanag ni Deputy Minority Leader and Basilan Rep. Mujiv Hataman.
Ayon pa sa mambabatas, mahalaga sa lahat ng relihiyon ang pagdarasal at ginagawa nilang mga Muslim ang pagdarasal kahit saang lugar sila abutan.
"Kaya mahalaga na laging may lugar kung saan puwedeng magdasal ang mga kapatid nating Muslim,” paliwanag niya.
Sa House Bill No. 7117 na inihain ng kongresista, ipinaliwanag nito na maraming pampublikong establisimyento at tanggapan ng gobyerno sa bansa--maging sa mga ospital-- ang mayroon mga chapel o prayer rooms na maaaring magdasal ang mga Katoliko o Kristiyano.
Dahil sa malaki rin ang populasyon ng Muslim sa Pilipinas, nais ng kongresista na mabigyan din ng lugar para makapagdasal ang mga Muslim sa nabanggit na mga gusali.
Sa ngayon, may ilang establisimyento na umano gaya ng mga mall ang mayroon nang prayer rooms pero iilan pa lamang ang mga ito.
Sa ilalim ng panukala, nakasaad na maaaring dagdagan ang prayer rooms kung kakailanganin, at tutukuyin ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF), ang ahensiya na magpapatupad sa batas.
"Gawin nating mas accessible ang pagdarasal bilang bahagi ng kalayaan sa pagpapahayag ng aming pananampalataya,” hiling ni Hataman.--FRJ, GMA Integrated News