Hinoldap ng nagpapanggap na pasahero ang isang taxi driver at mabuti na lamang umano agad na nakahingi ng tulong ang biktima, kaya na-corner ng mga rumespondeng pulis at mga civilian sa lugar ang suspek.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ni James Agustin na takot at trauma ang naranasan ng driver sanhi ng insidente habang namamasada sa Quezon City.
Ayon sa driver, pumara sa kanya ang isang lalaki upang magpahatid sa San Juan City.
Pero ilang minuto pa lamang umano ang nakalipas ay tinutukan na siya ng baril ng suspek at nagdeklara ng holdup.
"Nakiusap po ako at ibinigay ko na lang ang pera na nakalagay sa gitna sa harapan ng taxi at inabot ko sa kanya," ayon sa driver.
Dagdag niya, ihininto daw niya ang taxi dahil napapansin na ng ibang mga motorista ang commotion sa loob.
Doon na raw siya makakuha ng tiyempo para tumakas. "Isinuksok sa harapan niya ang baril ... at dun na ako kumalas, tumakbo at humingi ng tulong," pahayag ng driver.
Tumulong ang mga residente, mga tricycle driver, at mga rider. Hanggang sa dumating ang pulis.
Laking pasalamat ng taxi driver na walang masamang nangayari sa kanya. Ito raw ang unang beses na nangyari sa kanya sa loob ng dalawang dekada niyang pamamasada.
Naaresto ang suspek na si Jelvin Valdemoro. Nabawi mula sa kanya ang ninakaw na pera at isang baril na kargado ng mga bala.
Mahaharap ang suspek sa reklamong robbery-holdup. —LBG, GMA Integrated News