Dinakip ang apat na lalaki sa Quezon City dahil sa pagbebenta umano ng nakaw na motorsiklo.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing isinagawa ng mga awtoridad ang entrapment operation sa Barangay Pasong Tamo, matapos makatanggap ng reklamo ang Quezon City Police District Station 14 mula sa isang motorcycle financing company.
"Nakita po namin sa online na binibenta 'yung unit... kasi po nahatak na po dati namin 'yun then tiningnan namin, match po 'yung MV File number niya roon sa motor," sabi ng isang complainant.
Ibinibenta ang motorsiklo sa online sa presyong P60,000, na kalahati ng orihinal nitong presyo.
Nalaman naman mula sa rehistradong ikalawang may-ari ng motorsiklo na nahatak ang motor sa kaniya noon pang Hulyo matapos niya itong hindi na mahulugan.
"Under mortgage pa 'yan eh, so dapat hinuhulugan pa ng second owner na nakabili sa kanila. Which is according naman sa second owner, ang motor ay hinatak na sa kaniya ng empleyado ng financing. Later on napag-alaman na natanggal na pala sa financing ang taong iyon," sabi ni Police Lieutenant Anthony Dacquel, hepe ng Station Investigation Unit at Detective Management Unit.
Patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang dating empleyado umano ng financing company.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang apat na nadakip, na nahaharap sa reklamong paglabag sa Anti-Fencing Law. —Jamil Santos/LBG, GMA News