Nahuli-cam ang pagpuntirya ng ilang lalaki sa dalawang bisikleta, at pati na rin ang mga sinampay sa Quezon City.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita na nasapul ng CCTV ang pagpasok ng ilang lalaki sa isang compound sa Barangay Payatas noong Martes ng gabi.
Ang isang lalaki bahagyang umakyat sa hangdanan at tila may inaabot. Kinuha na pala niya ang nakasampay na damit.
Maya-maya pa, magkasunod na inilabas ng dalawang lalaki ang dalawang bisikleta.
Hindi naitakbo ng mga magnanakaw ang isang bisikleta dahil nasalubong ng residente sa compound ang lalaking may dala nito.
Nauna nito, sa malapitang kuha ng CCTV, makikita ang isang lalaking lumapit sa mga nakaparadang biksikleta. Umalis siya saglit. Pagbalik ng kanyang kasama kinuha na ang bisikleta. Pinuntirya naman ng isang lalaki ang isa pang bisikleta.
Nahuli-cam ang pagtakas ng mga suspek. Naglakad ang isa dala-dala ang ninakaw na damit, habang nakasakay sa bisikleta ang kanyang kasama. Makikita ring tumatakbo palayo ang ikatlong suspek.
Napansin na raw pala ang mga suspek ng mga residente sa compound kaya isa lang ang natangay na bisikleta.
Nai-report na umano sa barangay ang pagnanakaw at inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga magnanakaw.—LBG, GMA News