Isang Indian national ang nabiktima ng tatlong holdaper sa Las Piñas City nitong Linggo ng hapon, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Lunes.
Napatay naman sa engkuwentro sa mga pulis ang isa sa mga suspek.
“Prior sa incident, ang Talon sub-station ay nagko-conduct ng Oplan Sita. Then biglang may lumapit itong si Indian national ... nagkwento na siya’y naholdap. Tinutukan siya ng baril," ani Police Liuetenant Robert Kodiamat, officer-in-charge ng Talon sub-station.
Sa kuha ng CCTV, makikitang huminto ang nakamotorsiklong biktima sa tapat ng isang bahay. Maya-maya pa'y dumating ang tatlong suspek na sakay ng dalawang motorsiklo at hinoldap siya. Isa sa mga suspek ay armado.
Ilang minuto matapos ang insidente, namataan ng mga pulis ang nakamotorsiklong suspek sa isang intersection batay sa paglalarawan ng biktima.
Kinilala ang suspek na si Gian Bautista, na sangkot din umano sa iba't ibang insidente ng pagnanakaw.
Una umanong sinubukang tumakas ng suspek nang makita ang mga awtoridad bago ito bumunot ng baril.
"Pagliko niyang ganun, nakita niya ‘yung (mga pulis) flinag down namin, pilit siyang umiwas. Pag-iwas niya nasagi niya ‘yung isang rider tapos pagbalik niya bumunot siya ng baril. Pagtutok niya, inunahan na ng tropa namin na nakapwesto doon sa unahan," ani Kodiamat.
Sinubukan pa umanong dalhin sa ospital ang suspek ngunit idineklara itong dead on arrival.
Ayon sa pulisya, apat pang Indian national kahapon ang hinoldap ng grupo nina Bautista.
Nakuha naman ang perang nagkakahalagang mahigit P45,000, pitong cellphone, at .45 kalibre ng baril at mga bala mula kay Bautista. Nakuha rin ang gamit niyang motorsiklo.
Patuloy na pinaghahanap ang dalawa niyang kasama. —Alzel Laguardia/KBK/RSJ, GMA News