Naaresto ang suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang duktor sa Quezon City na bisikleta ang gamit. Ang itinuro niyang mastermind sa krimen, duktor din na nang maaresto, nakasuot ng uniporme ng pulis.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing July 15 nang tambangan at barilin sa ulo habang papunta sa isang kainan sa Scout Castor ang biktimang si Dr. Valentin Yabes.
Nasawi ang biktima.
Sa tulong ng mga CCTV camera, nasubaybayan ang kilos ng salarin na nakasakay sa bisikleta. Nakuhanan pa siya ng video nang magpalit ng damit.
Natunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng salarin at naaresto na kinilalang si Wilmar Ocasla.
Nakuha sa kaniya ang mga damit na suot niya nang barilin ang biktima, at iba pang gamit na tinangka umano nitong sunugin.
May nakuha rin umanong granada sa suspek.
Sa imbestigasyon, nadiskubre ng mga pulisya na may nag-utos kay Ocasla para itumba si Yabes--ang kaniya umanong dating kasosyo sa klinika na si Dr. Ramonito Eubanas.
Nang arestuhin si Eubanas, nakasuot umano ito ng uniporme ng pulis kahit hindi naman siya pulis.
Mariing itinanggi ni Ebanas na may kinalaman siya sa pagpatay kay Yabes.
Ayon kay Police Lt. Col. Mark Julio Abong, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, dating magkasosyo sa klinika ang biktima at suspek na duktor.
Pero dahil sa hindi umano magandang pakikitungo ni Ebanas sa mga tauhan nila, inalis siya ni Yabes bilang kasosyo.
Samantala, gumawa umano ng extra-judicial confession si Ocasla sa harap ng abogado nito, at inilahad na si Ebanas ang mastermind sa krimen.
Aniya, libre silang pinapatira ni Ebanas sa bahay nito at pinag-aaral ang kaniyang mga anak kaya hindi siya nakatanggi sa utos nito.
Mahaharap sa kaukulang mga kaso ang mga suspek.--FRJ, GMA News