Umalis na lang daw bigla-bigla ang mga pulis na nakasakay sa isang mobile matapos magreklamo ang isang tindera tungkol sa pananakit sa kanya ng kapwa tindera sa Quezon City nitong Martes.
Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa "24 Oras", ikinuwento ni Freda Quiambao basta na lang daw siyang inatake ng kapwa niya vendor dahil sa narinig nitong mga tsismis.
“Nagsalita daw po ako ng masasakit na salita na bakla daw kapatid niya tapos pokpok daw po sila,” sabi ni Freda.
Ilang beses pa raw muling sinaktan ng tindera si Freda matapos nito.
Nang may dumaan na mobile ng pulis, sinabihan lamang daw siya ng mga ito na magpa-medical check-up at magsumbong sa Barangay Hall. Umalis na ito pagkatapos.
"Humahagulgol ako at nagmamakaawa ako sa mga pulis na kung pwede tulungan nila ako kasi di ko matanggap yung ginawang pananakit sa akin ng wala naman pong dahilan,” ani ni Freda.
Nagpatuloy ang pananakit sa biktima nang umalis ng mobile.
Ayon sa hepe ng CIDU-Quezon City Police District na si Police Major Elmer Monsalve, nagpabaya ang mga pulis na rumesponde kay Freda.
Kasalukuyan niyang inaalam kung sino ang mga responsableng pulis na maaaring sampahan ng kasong administratibo at kriminal. —Julia Ornedo/NB, GMA News