Binaril at napatay habang dumadalo sa flag raising ceremony sa city hall nitong Lunes ang kontrobersiyal na alkalde ng Tanauan City, Batangas na si Antonio Halili. Naging laman noon ng mga balita ang alkalde dahil sa kakaiba niyang kampanya kontra-droga at krimen sa pamamagitan ng "walk of shame."
Sa ulat ng dzBB reporter Rod Vega sa "Dobol B sa News TV," sinabing nadala pa sa ospital si Halili matapos barilin pero binawian din ng buhay dakong 8:45 a.m.
"Iron curtain was activated," ayon sa pulisya ng PRO-4 na patungkol sa paghanap sa mga salarin.
Sa Facebook Live video ni Gerry Yson Laresma, Tanauan City Information Officer, makikita si Halili habang nakatayo kasama ang ilan pang lokal na opisyal para sa pagtugtog ng Pambansang Awit.
Hindi pa malinaw kung saan nanggaling ang putok pero hinihinalang "sniper" ang bumaril sa alkalde.
Reaksyon ng MalacaƱang
Kinondena naman ng Palasyo ang pagpatay kay Halili na inilarawan nilang masugid na tagasuporta laban sa droga.
"Kinokondena po natin itong pagpatay kay Mayor Halili. Kakilala po natin itong si Mayor Halili. Ito po'y isang napakatibay na kasangga ng Presidente sa gyera laban sa droga. Siya po'y napakahusay na alkalde. Sa kanyang pamumuno po naging isa sa pinakamaunlad na bayan ang Tanauan," sabi ni presidential spokesperson Harry Roque.
Gayunman tumanggi si Roque na magkomento tungkol sa umano'y pagkakasangkot ng alkalde sa droga.
"Sa ngayon po siguro makikiramay muna kami sa pamilya ng napaslang na Mayor Halili. Saka na po natin pag-usapan 'yan. May mga panahon po dapat pag-usapan 'yan. Ngayon po'y panahon ng pagdadalamhati at pagbibigay ng pakikiramay," sabi ni Roque.
Dapat din umanong hintayin muna ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.
"Di ko alam ano relasyon nitong drug list sa pagpatay kay Mayor Halili pero you can argue it both ways po dahil sa iba talagang kinikilala siyang bilang haligi ng kampanya laban sa pinagbabawal na droga at dahilan bakit nagrereklamo ngayon ang human rights groups sa ginagawa niyang shame campaign," dagdag ni Roque.
'Kapag ako namatay'
Noong nakaraang Oktubre 2016, hindi naitago ni Halili ang inis nang padalhan umano siya ng ilang pulis ng papel na ibinibigay sa mga taong isinasailalim sa Oplan:Tokhang.
READ: Tanauan Mayor Halili: 'Pag ako'y pinatay ng pulis, hindi po ako lumaban'
Sinabi ng alkalde noon na dumating sa tanggapan niya ang ilang pulis na nagpapapirma sa kanya sa isang dokumento para sumuko dahil sa pagiging sangkot umano sa droga.
Paniwala ni Halili, binabalikan siya ng mga taong nasagasaan niya sa kaniyang kampanya kontra-droga.
Inihayag din ng alkalde na may nagpatong na raw ng presyo sa kaniyang ulo para siya patayin.
"Kapag drug lord at drug pusher ang pumunta sa akin, magpapatayan kami. Pero tandaan n'yo, 'pag pulis ang pumasok sa akin hindi po ako lalaban," deklara niya sa naturang panayam. "'Pag dumating ang oras na ako'y pinatay ng pulis, hindi po ako lumaban, gusto lang talaga nila akong patayin."
Naging kontrobersiyal si Halili dahil sa kaniyang "walks of shame" na ipinaparada niya sa publiko ang mga nahuhuling magnanakaw at sangkot sa droga.
Dahil sa naturang kampanya, napag-initan rin siya ng Commission on Human Rights.-- FRJ, GMA News