Patay ang driver ng truck at kaniyang pahinante nang maipit sila ng mga bakal na kanilang karga nang bigla silang tumigil dahil sa isang lalaki na tumatawid sa Davao City.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras"  nitong Miyerkules, makikita sa CCTV footage na biglang tumigil ang truck kahit naka-'go' ang traffic signal sa kanilang linya dahil may lalaking tumatawid sa kanilang harapan.

Lumitaw na galing sa jeepney ang lalaking tumawid.

Dahil sa biglang pagtigil, umusad papunta sa unahan ng truck ang karga nilang mga steel sheets na dahilan para maipit ang mga biktima.

Lumitaw din sa imbestigasyon ng mga awtoridad na hindi nakatali nang maayos ang mga bakal.

Plano ng pamilya ng mga biktima na kasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide ang lalaking tumawid, at ang driver ng jeepney driver kung saan galing ang lalaki.

Nasa kostudiya ng awtoridad ang tumawid na walang pahayag. —FRJ, GMA Integrated News