Patuloy ang pagsuyod ng mga awtoridad sa lugar kung saan nakita ang sunog na sasakyan ng nawawalang beauty pageant candidate na si Geneva Lopez at nobyo niyang Israeli na si Yitshak Cohen, sa Capas, Tarlac.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nagpalipad ng drone ang mga pulis sa lugar at sa paligid nito para maghanap ng karagdagang ebidensiya.
Patuloy din ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagkasunog ng sasakyan.
Nakita ang sasakyan na sunog sa gilid ng kalsada sa Capas noong nakaraang Sabado. Nasa loob nito ang ilang gamit ni Lopez gaya ng ID.
Una rito, sinabing nagtungo sa Tarlac mula sa Pampanga ang magkasintahan para tingnan ang bibilhing lupa.
Kinumpirma naman ng kapatid ni Cohen ang alok na pabuyang P250,000 sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para malaman ang kinaroroonan ng dalawa.
Ayon sa kapatid ni Cohen, naniniwala silang buhay ang magkasintahan at wala umanong tumatawag sa kanila para humingi ng ransom kaugnay sa pagkawala ng kaniyang kapatid ang nobya nito.-- FRJ, GMA Integrated News