Humingi ng paumanhin sa kaniyang nagawang pagkakamali ang isang kliyente ng BDO Unibank Inc. na nag-viral sa social media kamakailan ang post dahil sa maling akala na ilegal na na-withdraw ang kaniyang pera sa bangko na laan sana sa pag-aaral sa kolehiyo ng anak.

Binura na ni Gleen Cañete ang naturang video na naglabas siya ng sama ng loob sa nangyari sa kaniyang ipon, na ayon na rin sa kaniya ay dala nang matinding emosyon.

"Kusang loob ko po itong ginawa dahil na-realize ko na hindi tama na masyado akong nagpadala sa bugso ng damdamin at lumabas sa social media," pahayag ni Cañete sa kaniyang bagong Facebook post.

"Noong malaman ko na mismo ang [pamilya] ko ang nag-withdraw ng pera, agad agad kung binura ang live video para na rin sa kapakanan ng pamilya ko at sa BDO Unibank," paliwanag niya.

Una rito, naglabas ng BDO Unibank Inc. nitong Lunes, at sinabing batay sa kanilang pagsusuri ay "valid" ang mga naging withdrawal sa account ni Cañete.

Sinabi rin ni Cañete na pinili niyang manahimik nang ilang araw at makapag-isip nang malaman niya na sangkot ang kaniyang pamilya sa "insidente"

Sa binura niyang live video na ipinost noong June 21, umiiyak na inilahad ni Cañete na nawala sa kaniyang account ang perang nagkakahalaga ng P345,000.

Hindi binanggit ni Cañete kung papaano nawala ang pera pero binanggit niya na passbook ang hawak niya at wala siyang online account.

Ngayon, humihingi ng pang-unawa si Cañete sa nangyari na nagsabing nais lang niyang isipin ang kinabukasan ng kaniyang anak.

"Sana maintindihan nyo rin ako at ako'y inyong mapatawad at maibalik ang tiwala nyo sa akin bilang isang ama na nagsikap para sa kanyang anak," pakiusap niya.

Inihayag din ni Cañete na patuloy siyang natitiwala sa bangko.

"May tiwala po ako sa nasabing banko BDO Unibank at katunayan account holder po nila ako ng mahabang panahon," dagdag niya. — mula sa ulat ni Vince Angelo Ferreras/FRJ, GMA Integrated News