Itinuturing "crowning glory" sa kababaihan ang buhok. Pero sa kaso ni Ryza Cenon, sinabi ng aktres na hindi naging "big deal" sa kaniya ang magpakalbo.

Sa isang episode ng programang "Dapat Alam Mo!,” naging bisita si Ryza na pinuri ng host na si Kuya Kim Atienza na bagay sa kaniya ang pagiging kalbo.

Ayon kay Ryza, pinili niyang magpakalbo para mas lalong makuha niya ang kaniyang karakter sa gagawin niyang pelikula.

“Noong nag-look test kami tapos nakita ko po kasi ‘yung bald cap namin, hindi ako convinced. And then nag-script reading kami, doon ko nabubuo ‘yung character ko, and then na-realize ko na parang, kailangan ko siyang gawin, gusto ko siyang gawin,” sabi ni Ryza.

“Mabubuo ‘yung character ko na gagawin ko siya eh,” dagdag ng aktres.

Gaganap si Ryza sa upcoming horror film na “Lilim” sa direksyon ni Mikhail Red.

Gagampanan ni Ryza ang karakter ni Helena, na miyembro ng kulto at madre na sumasamba sa demonyong si Lilith.

Tinanong si Ryza kung gaano kahirap ang magdesisyong magpakalbo.

“Sa akin naman po hindi siya big deal eh, sa akin lang. Para sa akin, ang hair naman, tumutubo naman kasi siya, bumabalik naman siya. Tsaka pangarap ko siya [na maging kalbo],” tugon niya.

“[Nasa] bucket list ko po ‘yan, magpakalbo… Kapag nabuntis ako, magpapakalbo ako,” dagdag niya.

Biro niya, kalbo rin ang kaniyang partner na si Miguel Antonio Cruz, at ang kanilang baby.

"So tatlong itlog po kami," natatawa niyang biro.

Sa kabila nito, sinabi ni Ryza na nirerespeto niya ang mga babaeng mahalaga ang buhok para sa kanila.

“Kasi ako po para sa akin, nakaya ko ngang magpakalbo. Sa akin, hindi siya ganoon talaga kahalaga. Pero I think sa mga babae, may mga kilala ako na friend ko na mahalaga sa kanila ang hair, sobra. Kasi kaunting trim lang, umiiyak na sila,” sabi niya.

Napanood si Ryza sa ilang top rating Kapuso series gaya ng “Ika-6 na Utos,” “Alyas Robin Hood,” at “Sinungaling Mong Puso.” -- FRJ, GMA Integrated News